Thursday, August 27, 2009

Buwan ng Wikang Pambansa 2009, Ipinagdiwang


          Sa kabila ng malakas na ulan na may kasamang kulog at kidlat, ipinagdiwang ng mga guro at mag-aaral ng Mabalacat College ang pagtatapos ng Buwan ng Wika noong Agosto 27, 2009 sa ganap na ala-una ng hapon sa himnasyo ng Xevera, Tabun, Mabalacat, Pampanga.

Sa ilalim ng temang: Wikang Filipino:Mula Baler Hanggang Dulo ng Pilipinas!, nagpasiklaban ng talento ang mga mag-aaral sa iba’t-ibang kolehiyo sa larangan ng (1) Madulang Sabayang Pagbigkas; (2) Makalumang Indak sa Makabagong Tugtugin at (3) Pag-awit ng Isahan.

Ang napakagandang pagtatanghal ng mga mag-aaral ng College of Education ang nagbigay daan sa pagpanalo nito sa Madulang Sabayang Pagbigkas ng akdang Pilipino: Isang Depinisyon ni Ponciano Pineda. Hindi naman matatawaran ang husay, saya at kulay ng pagtatanghal ng mga mag-aaral ng College of Hotel and Restaurant Management and Tourism na silang nag-uwi ng unang gantimpala sa Makalumang Indak sa Makabagong Tugtugin. Si Bb. Ivy T. De Guzman ng College of Information Technology Education ang itinanghal na kampeonato sa Pag-awit ng Isahan.

Sa mga guro at kawani, Si G. Mario C. Felipe, Koordineytor ng P.E., ang nanalo sa Maka-Pilipinong Kasoutan. Si Bb. Roma Amor S. Manalang, librarian, ang nanalo sa mga kababaihan.

            Si Gng. Jennifer S. Lumanug, Dr. Jose V. Guinto at Annielyn Sison ang nagsilbing mga hurado sa mga patimpalak. Binati ni Dr. Leonardo C. Canlas ang mga mag-aaral, kawani at mga guro ng Kolehiyo, lalong-lalo na si G. Christian Allan C. Cagano, ang masipag at masigasig na Koordineytor ng Filipino.

No comments:

Post a Comment